IPINAGPAPATULOY na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa.
Kasunod ito ng pansamantalang pagkaantala ng pamimigay ng naturang subsidiya dahil sa kasalukuyang ipinatutupad na election ban ng Commission on Elections (COMELEC) na layong tutukan o bantayan ang paggastos ng mga Ahensya ng gobyerno para sa mga “social services” at “public works” sa darating na botohan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, maipagpapatuloy na ng Ahensya ang pamimigay ng fuel subsidy dahil aprubado na ng COMELEC ang inihaing petisyon ng LTFRB at Department of Transportation (DOTr) upang hindi mapabilang sa mga maaapektuhan ng election ban ang pamimigay ng fuel subsidy.
Batay sa datos ng LTFRB, nai-credit na ang nasabing subsidiya sa 63,864 PUVs sa buong bansa alinsunod sa pagpapatupad ng Fuel Subsidy Program ng pamahalaan sa ilalim ng General Appropriations Act of 2023.
Karamihan sa mga naunang nabigyan ng naturang subsidiya ang mga operator ng mga Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) habang nakatanggap na rin ang mga operator ng mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ), Public Utility Bus (PUB), Mini-bus (MB), Tourist Transport Services (TTS), School Transport Services (STS), Filcab, at iba pang mga pampublikong sasakyan.