MAS mahigpit sa pag-iisyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax identification number (TIN) IDs para sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers na nagagamit sa iba’t ibang kriminal na aktibidad, upang gawing lehitimo ang katayuan sa trabaho .
Sinabi ni Senator Win Gatchalian na ang mga iniisyu na TIN ID ng BIR ay walang mga larawan na nagpapahintulot sa mga naturang ID na magbigay ng maayos na pagkakakilanlan sa mga indibidwal na sangkot sa mga krimen.
Aniya, “Dahil ang mga sindikato ay nakakakuha ng mga ID ng gobyerno tulad ng mga TIN ID, ang mga dayuhang mamamayan na sinasabing nagtatrabaho para sa mga POGO ngunit aktwal na sangkot sa mga organisadong krimen, ay maaaring manatili sa bansa at magtrabaho para sa iba’t ibang mga POGO na kasangkot ng mga sindikatong grupo.” diin ng mambabatas.
“Panahon na para palitan ang mga lumang ID na iyan,” sabi ni Gatchalian sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Women, matapos sabihin ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz na verified at bahagi ng BIR database ang mga nasamsam na TIN ID mula sa Smart Web Technology, Inc., isang POGO company sa Pasay City na kamakailan ay ni-raid ng mga awtoridad.
Kasunod ng pagkakatuklas na ito, binibigyang-diin ang kritikal na pangangailangan para sa BIR na muling bisitahin ang mga proseso ng pagbibigay ng ID nito, kasama ang mga updated na security measures at komprehensibong identification features, ani Gatchalian.
Bukod sa mga TIN ID, narekober din ng mga awtoridad ang mga Philhealth ID, Certificates of Alien Registration, Alien Employment Permits, at police clearances sa Smart Web Tech na may provisional license na galing na Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Natagpuang mayroong prostitution den at torture chamber ang nasabing POGO company. Bukod sa prostitusyon, pinaniniwalaang sangkot din ang Smart Web sa iba pang krimen gaya ng labor trafficking at iba’t ibang scam.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, si Gatchalian ay nagsusulong para sa agarang pagpapatalsik sa industriya ng POGO sa bansa sa gitna ng patuloy na paglaganap ng mga kriminal na aktibidad na nauugnay sa industriya.
“Ang Pilipinas na ngayon ang paboritong palaruan ng mga organisadong sindikato ng krimen at ang mga POGO ay naging daan para sa mga sindikatong ito na magpatuloy sa operasyon dito sa bansa,” sabi ni Gatchalian.