MAGBIBIGAY ng tulong sa mga drayber at operator ang Department of Transportation (DOTr) na hindi nakapag-consolidate ng kanilang prangkisa sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sinabi ni Jesus Ferdinand Ortega, ang chairman ng Office of Transportation Cooperatives (OTC), sa isang press briefing sa Malacañang nitong Lunes na kasama sa mga programa na ipinatutupad ng DOTr sa tulong ng iba pang ahensya ang “EnTSUPERneur” program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ang “Tsuper Iskolar” ng Technical Education and Skills Development Program (TESDA).
Ang mga programang ito ay layuning mapabuti ang kabuhayan ng mga drayber at operator ng pampasaherong sasakyan na naapektohan ng PUVMP, ani Ortega.
“So we’ve improved the program by instead of… I mean instead of, or puwede na ngayon i-avail and dalawang program ng gobyerno,” ayon dito.
“They could avail the program set by DOLE and by Tesda. These are for those that are affected, either driver of operator especially those that hindi nag-consolidate. So ‘yun ‘yung programs of the government for them,” dagdag pa nito.
Ang DOTr ay nagkipagtulungan sa DOLE sa paglunsad ng alternatibong programa sa kabuhayan para sa mga na-displace na manggagawa sa transportasyon sa gitna ng PUV Modernization Program at pandemyang coronavirus. Ang DOTr ay nagbigay ng pondo para sa “EnTSUPERneur” program upang matulungan ang DOLE sa pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), na layuning magbigay ng pondo at pagsasanay sa kapital para sa kabuhayan at negosyo para sa mga apektadong manggagawa.
Sa kabilang banda, ang TESDA’s Tsuper Iskolar program ay layunin ang pagbibigay ng mga scholarship at pagsasanay sa kabuhayan sa mga drayber, operator, at kanilang pamilya.