
“IGNORANCE of the law excuses no one, lalo na kung ang nagsasabi nito ay yung mismong gumawa at lumagda sa batas” , ito ang naging pahayag ni 2nd district Representative ng Quezon province at Deputy Speaker David”Jay-jay” C. Suarez hinggil sa kontrobersyal na AKAP o Ayuda para sa Kapos ang Kita Program.
Aniya, “Sinasabi po nina Senators Imee Marcos, Ronald dela Rosa at Risa Hontiveros na hindi daw nila alam ang tungkol sa ayuda program nang aprubahan at pirmahan nila ang 2024 General Appropriations Bill. Ito ang dokumentong naglalaman ng AKAP “.
Dagdag pa ni Suarez , ” Pumirma sila sa Bicam report. Nandun ang lagda nila hindi lang sa special provision on AKAP kundi sa buong Bicam report. Inaprubahan din ng buong Senado ang Bicam report bago nila ipinasa ang 2024 General Appropriations Bill para pirmahan ni Pangulong Marcos”.
“Ugali ba talaga nilang pumirma kahit hindi nababasa ang dokumentong pinirmahan nila? Paano na ang ibang batas na ipinasa nila sa Senado? Hindi rin kaya nila binasa bago sila pumirma?”
“Kahit walang katibayan, pilit kinukulayan at dine-demonize ang isang proyektong tutulong sa mahihirap nating kababayan. Kunsabagay, yan na yata ang uso ngayon sa Senado: mag-akusa lang nang mag-akusa kahit walang pruweba.”
“Isa lang ang tanong: Ano po ba ang bawal, masama o mali sa isang batas tulad ng AKAP na magbibigay ng one-time assistance na P5,000 sa mga grab drivers, service crew, factory workers at iba pang manggagawa? ‘Di ba silang mahihirap ang nililigawan ng mga senador tuwing halalan? Di ba sila rin ang bumoto para ma-enjoy ng mga senador ang kapangyarihan nila ngayon? Bakit ngayon ang ayuda para sa kanila, bawal daw? Masama daw?”tanong ng kongresista.
“Basta kami sa Kongreso, tatayuan namin ang batas na ito na tutulong sa ating mga kababayan. Tungkulin natin yan sa bayan. At sa mga senador na kumukwestyon sa AKAP, kayo na lang ang magpaliwanag sa 12-milyong pamilyang Pilipino na umaasang matatanggap nila ang ayudang ito.”