Larawan mula sa City of Binan FB at PIA
NAKIBAHAGI sa pagdiriwang sa ika-14 na anibersaryo ng lungsod ang libo-libong Binense nitong araw ng Biyernes (Pebrero 2, 2024).
Ginanap ang isang bonggang parada sa pangunguna ni Mayor Walfredo “Arman” R. Dimaguila Jr. at Vice Mayor Gel Alonte sa city plaza, na kung saan nakilahok ang mga estudyante, kawani ng gobyerno, pulis, bumbero, at iba pang mga stakeholder.
Kasabay rin nito , pinasinayaan rin ang PUP-Biñan College of Information Technology and Engineering (CITE) building sa Bgy. Canlalay para sa mga senior high school students.
Buong pagmamalaki ng alkalde ang tagumpay ng kanyang administrasyon, kabilang ang pagtatayo ng PUP-Biñan CITE, ang pagbibigay ng koneksyon sa internet sa 9,000 na sambahayan na malaking tulong sa mga taga-Biñan, lalo na sa mga estudyante, at ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga kwalipikadong mag-aaral ng lungsod.
Maglalagay rin si Dimaguila ng telebisyon sa lahat ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan ng lungsod, na aniya’y makakatulong sa mga guro sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
Nabanggit din ng alkalde ang iba pang mga tagumpay tulad ng Binan City Science and Technology solar energy facility, at ang pagkakaroon ng Biñan City government hub.
Mayroong kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa Batangas Medical Center, na ginagawang ika-4 na ospital para sa Health Assistance Program for Indigent Families (HAPI) HAPI Card accreditation ng mga taga-Biñan.
Ang tatlo pang ospital ay ang Biñan Doctors, Perpetual Help Hospital, at Ospital ng Biñane.
Kabilang sa ipinagdiriwang sa lungsod ay ang ika-79th Liberation Day at 277th Founding Anniversary .