HULI ang isang illegal recruiter sa ikinasang entrapment operation ng mga ototridad matapos pangakuan ang tatlong biktima na maging seaman sa Lumban Laguna.
Arestado si alyas Idan na residente ng Lumban nitong Martes.
Sa ulat ng hepe ng Lumban Municipal Police Station na si PMaj Ruffy Taduyo,dumulog sa tanggapan ang tatlong biktima na hindi na pinangalanan.
Ayon sa kanila, ni -recruit sila ng suspek na maging ‘Seafarer” kapalit ang halagang P150,000 pesos kada isang tao.
Nagsagawa ng koordinasyon ang Lumban MPS sa Department of Migrant Workers upang alamin kung lisensiyado o legal na recruiter ang suspek.
Matapos na malaman na illegal ang ginagawang pagrerecruit ng suspek ay agad silang nagsagawa ng entrapment operation kahapon, January 24, 2023, ganap na 3:30 ng hapon sa isang kainan sa Lumban, Laguna, na nagresulta sa pagkaka aresto ng suspek matapos itong tumanggap ng Php7,500.00 (boodle money) mula sa mga biktima.
Ang arestadong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Lumban MPS habang inihahanda ang mga dokumento para sa mga kaukulang kasong criminal. Nahaharap ang suspek sa reklamong RA 10022 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995).