ISINUSULONG ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes ang mga insentibo para sa dayuhan na gumawa ng pelikula sa mga magagandang lugar sa Pilipinas, lalo na’t binubuo ngayon ang isang malaking proyekto ang Hollywood.
Sa pagdinig ng 2024 budget ng Department of Tourism, iginiit ni Padilla na huwag masayang ang pagkakataon na dulot ng gagawing pelikula na “Epic Proposal” na may budget na $40 milyon.
“Meron tayong kausap na Korean production na pupunta dito… Kausap namin sila ito i-shoot sana sa Pilipinas at mga bida nila mga sikat na actor,” aniya. Kasama sa mga artista rito, ayon sa kanya, ay sina Chris Pratt ng “Guardians of the Galaxy” at Gemma Chan ng “Crazy Rich Asians.”
“Na-inspire uli ang writer at producer dahil nakapunta sila sa magandang lugar sa Pilipinas. Nais nila makapag-shooting dito at ipakita ang magagandang lugar na nakita nila. Ang hinihingi nila sana sa ating gobyerno mabigyan sila ng ganitong klaseng rebate,” ayon kay Padilla.
Ipinunto ni Padilla na balak ni author Kevin Kwan at screenwriter Aaron Goldberg na ipakita ang ganda ng Pilipinas at ang “warmth and spirit” ng mga Pilipino matapos pumunta sa Palawan noong 2017.
Kung natuloy ang proyekto, aniya, makikinabang ang mga negosyo sa probinsya na kasama sa location shooting, samantalang magkakaroon ng magandang publisidad ang Pilipinas kung i-feature ng mga artista sa kanilang mga social media ang mga lokasyon sa Pilipinas.
Handa si Padilla makipagugnayan sa DOT para rito. “Handa akong i-present sa inyo para magkaroon ng bagong ekonomiya sa larangan ng film production at naninwala akong napakalaking hudyat nito pagtulak sa ating turismo mabuksan uli,” aniya.
Ayon sa mambabatas, may magagandang incentive din ang kapitbahay ng Pilipinas sa Southeast Asia tulad ng Thailand, katulad ang cash rebate sa film producer na gagawa ng location shoot.
Ikinalungkot niya na ang “The Beach” noong 2000 ay base sa pagsulat ng na-inspire sa ganda ng Palawan, nguni’t ginawa ito sa Thailand dahil walang insentibo noon ang Pilipinas.
Samantala, isinulong din ni Padilla ang pag-promote ng DOT sa beaches sa Tawi-Tawi at Sulu, na ngayo’y “terrorist-free” na.
Tugon ni Tourism Secretary Christina Frasco, nais nilang palaguin ang film tourism sa Pilipinas, kung kaya’t nakikipagugnayan ang DOT at Film Development Council of the Philippines (FDCP) para rito.