Isang sikat na showbiz personality ang nabiktima kahapon ng basag kotse gang sa Quezon City, kung saan natangay ng mga suspek ang ilang magagahalagang gamit ng aktor. Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas 5:00 ng hapon habang nakaparada sa harap ng isang establisimyento sa kahabaan ng Roces Avenue ang mamahaling SUV ng aktor na si Gerald Anderson, sumalakay ang mga pinaniniwalaang miyembro ng basag-kotse gang.
Hagip sa CCTV, hagip ang aktuwal na pagbasag (gamit ang suot na helmet) ng salaming bintana at pagpasok ng isa sa mga suspek na kumuha ng mga gamit ng actor sa likurang bahagi ng sasakyan ni Anderson, sabay karipas ng sinasakyang motor palayo.
Nang mapansing walang sakay ang SUV, agad na bumalik ang suspek sa hudyat ng isa pang kasamang nagsilbing lookout. Dito na nilimas ang iba pang mahalagang gamit sa loob ng naturang sasakyan.
Makaraang mabalita sa telebisyon kahapon ng umaga, agad na sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang John Allen Dancel na umamin sa krimen.
Katwiran ng suspek, hindi nila target na biktimahin ang aktor. Aniya, natapat lang umanong sasakyan ni Anderson ang kanilang “nadiskartehan ng pagkakaperahan.”
Hindi man lahat, nabawi naman sa pag-iingat ng suspek ang ilang gamit kabilang ang ID at pasaporte ni Anderson.