TULUYAN nang ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang lahat ng asuntong isinampa laban sa mga kasama at iba pang kasapakat sa likod ng pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant na si Christine Dacera sa Makati noong Enero ng nakaraang taon.
Kabilang sa mga asuntong dinismis ng piskalya ang mga kaso sa droga, obstruction of justice, perjury, at reckless imprudence resulting in homicide complaints, laban sa mga kasamahan ng pumanaw na si Dacera.
“The Office of the City Prosecutor of Makati City, in its Resolution dated 31 January 2022, resolved to dismiss the consolidated complaints– which are the offshoot of the Christine Dacera case,” saad sa resolusyon.
Giit ng piskalya, lumabas sa kanilang pagsusuri na walang katibayan laban kay Mark Anthony Rosales na sinampahan ng kaso kaugnay sa droga, gayundin sa kasong reckless imprudence resulting in homicide laban naman kina John Pascual Dela Serna, Jezreel Rapinan, Alain Chen, at Louis De Lima.
Swak din sa basurahan ang reklamong perjury laban kina Rommel Galido, Dela Serna at Darwin Joseph Macalla. Sina Dela Serna, Rapinan, De Lima, Galido at Macalla ay pawang inakusahang halinhinang humalay sa biktima pagkatapos languin sa ipinagbabawal na gamot.
Walang malay si Dacera na nakita umano sa banyo ng mga kasamahang bahagi ng isang new year’s party sa isang hotel sa Makati City, Enero 2021.
Lusot din sina Rosales, Galido, Dela Serna, Macalla, Rapinan, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Chen, Reymar Englis at Atty. Neptali Maroto, sa reklamong obstruction of justice.
“They were simply protecting their rights within the bounds of the law,” ayon sa resolusyon ng piskalya. Paliwanag ng ng piskalya, walang basehan ang asuntong droga dahil wala naman anilang isinumite hinggil sa droga ang pulisya.
Maging ang asuntong falsification laban Dr. Michael Nick W. Sarmiento at ang kasong inihain ng ina ng biktima laban sa mga imbestigador ng kaso na sina Corporal Louie Lopez and Staff Sergeant Jun Alimurong, laglag sa piskalya.