LAHAT ng election workers, guro man o non-teachers, ay dapat nakatanggap na ng kanilang buong honoraria, lalo na’t inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) ang pormal nang pagtatapos ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) at lahat ng mga nanalo ay naiproklama na, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Dating alkalde ng Valenzuela City, pinasalamatan din ni Gatchalian ang mga nagsilbi sa idinaos na halalan. Nitong Biyernes, iniulat ng COMELEC na mayroong 99,801 na miyembro ng Electoral Board (EB) ang nabayaran na o 16.5% ng 605,379 na kabuuang miyembro ng EB na nagsilbi nitong nakaraang BSKE. Sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) naman, mahigit 1,200 na pulis ang humalili sa mga guro na tumangging makibahagi sa halalan dahil sa isyu ng seguridad, at upang maiwasan ang failure of elections.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng ating mga guro at kawani sa napakahalagang papel nila upang tiyakin ang tagumpay at kaayusan ng barangay at SK elections. Kaya tungkulin ng gobyerno na tiyaking matatanggap nila ang kanilang mga sahod at benepisyo,” sabi ni Gatchalian.
Tumaas ang allowance at benepisyo ng mga poll worker ngayong taon. Halimbawa, tumaas sa P10,000 mula P6,000 ang bayad sa chairman ng electoral board samantalang tumaas din sa P9,000 mula P5,000 ang bayad sa mga kasapi ng electoral board. Nauna nang tiniyak ng Department of Education (DepEd) na makakatanggap ang mga guro ng medical benefits at personal accident insurance sa pamamagitan ng Government Service Insurance System (GSIS).
Kaugnay nito, muli namang isinulong ni Gatchalian ang tax exemption sa honoraria, travel allowances, at iba pang mga benepisyong ipinagkakaloob ng COMELEC sa mga nagsisilbi sa halalan. Iminungkahi ito ng senador sa Senate Bill No. 2398 na layong amyendahan ang Section 32 ng na-amyendahan nang Republic Act No. 8424 o National Internal Revenue Code. Naghain si Gatchalian ng parehong panukala noong 18th Congress.
Para kay Gatchalian, ang pagkakaloob ng buong halaga ng kanilang honoraria ang pinakamagandang paraan upang pasalamatan ang mga poll workers na tumutupad sa kanilang mandato na panatilihing malinis at maayos ang halalan.