MAGPAPAUTANG ng halagang aabot sa P2.11 bilyon ang Landbank of the Philippines para sa mga public utility transport operators upang maisakatuparan ang programa ng pamahalaan sa modernisasyon ng public transportation system sa Pilipinas.
Tugon ito sa 78 public transport operators para sa pagbili ng 810 units ng bagong modern jeeps, sa ilalim ng Special Package for Environment-Friendly and Efficiently-Driven Public Utility Vehicles loan program ng nasabing bangko, katuwang ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB),ayon sa Landbank.
“The SPEED-PUV Program forms part of Landbank’s continued partnership with the national government to advance the country’s transport system, help protect the environment, and enhance the overall riding experience of the public,” ani Landbank president Cecilia Borromeo.
Target ng naturang programang umagapay sa mga kooperatiba sa public transportation na may nakatalagang rutang aprubado ng DOTR sa hangaring isulong ang “energy-efficient, environment-friendly, convenient,” at ligtas na transportasyon bilang suporta sa Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
Para sa mga kwalipikadong kooperatiba, saklaw ng pautang ang 95% ng halaga ng bagong modern jeep, kalakip ang 6% taunang interes sa loob ng pitong taon.