PAIIMBESTIGAHAN ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang legitimacy ng mga nanalo sa lotto at ipatitigil na rin niya ang sistemang pagdadagdag sa jackpot prize mula sa prize fund reserve para palobohin ang jackpot prize sa susunod na hearing ng Committee on Ways and Means sa Huwebes, January 25.
Sa nakaraang hearing ng Senate Committee on Ways and Means noong January 18, 2024, inamin mismo ni PCSO General Manager Melquiades Robles na gawain na ng PCSO ang magdagdag ng daan-daang milyon sa jackpot prize sa bawat game ng lotto na manggagaling sa prize fund reserve upang maengganyo raw ang mga mananaya.
Inamin din ni Robles na nitong nakaraang Disyembre halimbawa ay dinagdagan ng PCSO ang jackpot money ng lahat ng lotto games. Tig-100 million sa 6/42 at 6/45 samantalang tig-kalahating bilyon naman sa 6/49, 6/55 at 6/58. Ibig sabihin umabot sa ?1.7 billion ang kabuuang halaga ng nai-transfer mula sa prize fund reserve patungong jackpot money para sa nasabing mga lotto game. At lahat ng ito ay tinamaan na.
Dito makikita na gumagawa ang PCSO ng kahina-hinalang sistema na kalaunan ay maaring ika-bankrupt ng lotto dahil ang ?1.7 billion ay savings na sana ito ng PCSO na pwede nang gamitin para sa mga charity project nila. Ang bilyong halaga na ito na winaldas ng PCSO ay kaya na sanang magpagamot ng libo-libong mga pasyente at naipambili na rin sana ng daan-daang ambulansya, wheelchairs, medisina etc.
Nakakalungkot na ang ?1.7 billion na ito ay napunta lamang sa iilang tao. Kuwestiyonable pa ang mga taong nanalo sa jackpot na ito tulad ng hinala ng mga netizen.