BIGYAN ng kapangyarihan ang lokal na pamahalaan ang nais isulong ni Senatorial candidate at kasalukuyang Gobernador ng Sorgsogon na si Francis Chiz Escudero sa kanyang muling pagbabalik sa mataas na kapulungan.
Hayagang sinabi nito sa isang pressconference nang dumalaw siya sa Calamba City,Laguna kamakailan at sinabing alam ng mga local chief executives ang gagawing hakbang sa kanilang mga kababayan, pinatutungkulan nito ang pandemyang Covid-19.
Aniya, “Sa muli kong pagtakbo bilang miyembro ng Senado, isa sa ina-aplayan ko ay ang maging kampeon ng lokal na pamahalaan dahil sa pinagdaanan ko bilang gobernador, bilang local city executive ng Sorgoson,” .
“Mas alam naming mga lokal na opisyal kung ano ang kailangan ng aming lugar. Huwag diktahan ang lokal na pamahalan, hayaang magdesisyon, kung magkamali kami, hayaan kaming husgahan ng aming mga mamamayan,” dagdag pa nito.
Binanggit nitong halimbawa ang kaso ng COVID sa kanilang lugar, ang nagbibigay ng desisyon ay ang national government kahit wala na silang kaso ng Covid roon subalit nananatiling Alert level 2 pa rin .
“Sa pagdedesisyon maging sa pandemya, isang linggo na kaming zero COVID case pero Alert Level 2 pa rin kami,” dagdag pa niya .
Nasambit rin ng dating senador na ang kanyang dalawang terminong karanasan ay nais niyang magsilbi sa bayan sa susunod na administrasyon upang malutas ang problema sa ekomnomiya at kalusugan na dulot ng pandemyang Covid-19 .
“Nais ko pong ialay ang aking talino, talento at karanasan para makatulong sa pagbangon ng bansa,” sabi pa ni Escudero na mayroong slogan na “Siguradong direksiyon, Siguradong Solusyon.”
Kasama rin sa kanyang prayoridad ang pagtulong sa pagsasaayos ng ekonomiya lalo na sa Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs); upang makalikha ng maraming trabaho at maprotektahan ang mga magsasaka.
Sa ngayon ,si Escudero ay tumatakbo sa pagkasenador sa ilalim ng partido ng Nationalist People’s Coalition.