Mabagal na pagresolba sa kaso ng mga dayuhan sanhi ng siksikan sa piitan ng BI
Ni Crema Limpin

NAIS mang pabalikin na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan may kaso sa kanilang bansa, hindi pa rin pwede pwede hangga’t may mga nakabinbin pang kaso sa iba’t ibang husgado.
Ayon sa BI, ang mabagal na pag-usad ng mga kasong kinakaharap ng mga detenidong dayuhan ang dahilan sa likod ng pagsisikip ng kanilang custodial facility sa Bicutan, lungsod ng Taguig.
Kaya naman dismayado ang isang Immigration official (na ayaw ipabanggit ang pangalan) sa aniya’y usad-pagong na sistema sa mga korte kung saan di umano bumibilang ng taon ang kaso ng mga banyagang nakapiit sa BI Detention Facility bago lumabas ang hatol.
“Yan ang constant frustration namin,” ani ng opisyal nang tanungin hinggil sa estado ng BI Detention Center na sinalakay kamakailan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos sumambulat ang balita hinggil sa paggamit ng cellphone at laptop ng mga Japanese nationals sa ilegal na transaksyon habang nakakulong.
Paglilinaw ng opisyal, ang BI Detention Center ay nakadisenyo lang para sa 140 tao subalit higit pa sa doble ang mga detenido.