Aborlan, Palawan – Kasalukuyan ngayong humahatak ng atensiyon ang isang tanim na saging sa Barangay Apurawan sa bayan ng Aborlan, Palawan dahil sa napahabang buwig nito.
Ang tanim na saging ay pagmamay-ari ng mag-asawang Boboy at Bing Sarol.
Ayon kay Ginang Sarol, ang binhi ng nasabing tanim ay bigay kanyang kaibigan na kaniyang itinanim noong nakaraang taon.
Makalipas ang isang taon ay namunga na ito at nakatakda na ring i-harvest ngayong taon.
“Marami kasi ang namamangha sa mahabang buwig nito na umaabot na sa anim na talampakan ang haba at halos sumayad na hanggang sa lupa.”
Dagdag pa ng Ginang na madali itong alagaan at katulad din ng ibang uri ng saging.
Hindi naman maiwasan ang pagdagsa ng mga bisita at mga residente na napapadaan sa kanilang lugar upang kumuha ng larawan dahil sa kakaibang bunga nito.