ALINSUNOD sa Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), mas paigtingin ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang ‘no segregation, no collection policy’ bilang bahagi ng Zero-Basura Program ng lokal na pamahalaan ng Angono.
Sa isang kalatas, binigyang-diin ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang kahalagahan ng sistematikong pangangasiwa sa basura ng lokalidad na higit na kilala sa mga luntiang programa.
Ayon kay Municipal Administrator Alan Maniaol na tumatayong officer-in-charge ng MENRO, nagdispatsa na rin aniya ang kanyang tanggapan ng mga ‘color-coded garbage bins’ sa mga pampublikong pasilidad – kabilang ang pamilihang bayan, plaza mga bulwagan, paaralan at sa iba’t ibang purok na sakop ng bayan ng Angono.
Nagtalaga na rin aniya ng mga kawaning gagabay, magbabantay at magpapatupad ng batas at ordinansang kaugnay sa pagtatapon ng basura.
Para kay Vice-Mayor Gerry Calderon, na siyang bumalangkas ng Zero-Basura Program ng lokal na pamahalaan, lubhang mahalagang pangasiwaan ng wasto ang solid waste management program – partikular sa pagbabawas ng basura batay sa doktrina ng tinawag niyang 3R – reduce, reuse at recycle.
Kabilang rin aniya sa mga umiiral na mekanismo ng munisipalidad na mas kilala bilang Art Capital of the Philippines ang pagpo-proseso ng mga kinokolektang basura sa tulong ng pribadong sektor na humahakot ng basura sa Materials Recovery Facility para gamitin bilang raw material para sa paggawa ng iba pang produkto.
“Layunin natin siguruhin ang kalinisan ng bayan at ang pangangalaga sa ating inang kalikasan. Ilang buwan na ang nakaraan nang simulan na rin ang mahigpit na pagpapatupad ng no segregation, no collection policy sa bawat tanggapan ng pamahalaang bayan kabilang ang pampublikong pamilihan bilang pagtalima at pagiging halimbawa ng pagsunod sa programa ng pamahalaan,” pahayag ng alkalde.