ANG mga nakalaylay na kable at wires sa kalsada ay dulot ng aksidente sa kalsada, kaya naman inihain sa senado na dapat imbestigahan ito.
Sa paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 992, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na nakababahala na ang pagtaas ng mga aksidente sa kalsada sa buong bansa dulot ng live cable wire mishandling at hindi tamang pag-maintain nito.
Kamakailan, ilang complainant ang dumulog sa radio program ni Sen. Idol dahil naaksidente at nagtamo sila ng injury dahil sa ilang nakasabit na wire sa kahabaan ng EDSA.
Binigyang-diin ni Tulfo na hindi ito unang beses na nangyari dahil may insidente nang nauna kung saan nagdulot din ito ng aksidente sa kalsada.
“Victims of accidents caused by live cable wire mishandling often face significant challenges in pursuing recourse against the negligent parties. The difficulties faced by these victims hinder their ability to seek justice and fair compensation for injuries, fatalities, and property damage resulting from such accidents,” saad niya.
Sinabi ni Tulfo na ang mga kompanya ng kuryente, telepono at iba pang mga entity na involved sa installation, maintenance, at management ng live cable wires ay dapat ipatawag upang masiguro na sinusunod nila ang lahat ng safety protocol at regulations.
Dagdag pa niya, kailangan nang i-rebyu ang charter ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Local Government Units (LGUs), Department of Public Works and Highways (DPWH), City Engineering Office at iba pang ahensya para magarantiya na nagagawa nila ng tama ang kanilang mandato, lalo na sa tungkulin na panatilihing ligtas ang kalsada.
“These entities,shall conduct regular inspections and maintenance checks on their cable wire installations to identify and rectify potential hazards promptly,” giit niya.
Gayundin, kung magkaroon man ng aksidente bunsod ng maling paghawak o hindi wastong pagpapanatili ng mga live cable wire, ang mga responsableng entity ay direktang mananagot para sa pagkamatay o anumang pinsala sa ari-arian na maaaring mangyari.