MATAPOS ang ulat na talamak na naman ang ilegal na sugal sa bansa, hiniling ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa House Committee on Public Order and Safety na imbitahan ang lahat ng regional directors ng Philippine National Police (PNP) upang magpaliwanag ukol sa mga ilegal na pasugalan sa kanilang nasasakupan .
Ito ang inihayag ni Tulfo, ng ACT-CIS partylist, sa pagsisimula nitong Lunes sa House Resolution 1549 o ang imbestigasyon sa patuloy na operasyon ng mga ilegal na sugal sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) ng House Committee on Public Order and Safety na pinangungunahan ni Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez.
“We’re talking of illegal gambling Mr. Chair, I suggest that we call all the regional directors (of the PNP). Kasi ang gambling po ay proliferated na sa bansa,” sabi ni Tulfo sa kanyang pahayag noong Lunes.
Sumang-ayon naman si Fernandez sa panukala ni Tulfo kahit na ang kanilang pagsisiyasat ay dapat na nakatuon lamang sa Calabarzon.
“We have to compare what is happening in Region 4A (Calabarzon) and what is happening in different parts of this country. For that, we will be allowing your motion that we need to invite all the regional directors but insofar as the resolution that I filed is concern,” ani Fernandez.
Samantala, ibinunyag din ni Rep. Tulfo na ang pagkakasangkot ng mga lokal na opisyal kasama na ang mga pulitiko ang pangunahing problema sa paglaban sa ilegal na mga pasugalan.
“Kahit anong gawin nating ‘yaw-yaw’ dito kung hindi naman matigil ito, wala ring mangyayari rito. Bata pa lang ako nag-iimbestiga na ang Kongreso at Senado ng illegal gambling wala namang nangyayari. So, we must do something about it kasi napakalala na talaga ng pasugalan,” giit ni Tulfo.
“Problema hindi lang po itong mga otoridad natin ang pasok diyan, pati ang mga pulitiko, masakit man hong sabihin pati ang mga pulitiko natin kasama rin minsan diyan,” dagdag pa ng mambabatas.
Idinagdag ni Tulfo na ang political will ay napakahalaga sa pagresolba ng problema sa ilegal na pagsusugal.
“Kung talagang hindi mo gusto, hindi talaga mangyayari kung ikaw ay mayor,” ani Tulfo. “Hindi ako naging mayor o governor pero noon ay nasa media ako at alam ko kung ano ang nangyayari. Kung ikaw ay governor o mayor ikaw ang ama ng probinsya o ang ama ng lungsod. Kung sinabi mong hindi, hindi talaga,” aniya.
“Ang mga pulis na ito administratively ay still under the power of the mayor. Kapag sinabi po ng mga mayor na I don’t like it wala po talaga yan. Marami naman pong mga cities at municipalities sa atin na walang pasugalan because ayaw ng mga mayor ayaw ng governor. Kapag inayawan yan titigil po yan,” dagdag pa ni Tulfo.
Sinang-ayunan naman ni Iligan Rep. Celso Regencia, na isang three-termer mayor sa Iligan City, ang pahayag ni Tulfo na ang mga lokal na lider ay ang pinaka- importanteng sangkap sa pagresolba ng ilegal na sugal.
“Totoo po yung sinasabi ni Cong Erwin Tulfo na kung hindi po papayagan ng Mayor yung pasugalan ay talagang titigil po yun. Kasi sa pulis kung hindi ka papayag sa gusto ng pulitiko, immediately gagawan ka ng order na ipa-relieve ka sa position mo,” sabi ni Regencia.
Pinunto rin ni Regencia na dapat ay synchronize ang mga aksyon ng lokal na pamahalaan at pulis upang malutas ang patuloy na problema sa sugal. “Tandem talaga ang city director, provincial director at local government,” dagdag pa ni Regencia.