Nanawagan si senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa pamahalaan na agad aksyunan ang paghingi ng saklolo ng babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na napaulat na minaltrato ng kanyang amo sa Riyadh, Saudi Arabia.
“Nasa peligro ang buhay ng isa nating kababayan na si Juliet Manuales kaya bawat oras ay mahalaga upang matiyak ang kanyang kaligtasan. Sa kanyang pahayag na ginawa sa pamamagitan ng sikretong paghingi ng tulong, kailangan ang agarang rescue operation,” ani Eleazar.
Base sa ulat, simula pa noong Disyembre ay ilang beses nang humingi ng saklolo sa pamahalaan ang kasambahay na si Manuales matapos makaranas ng pananakit ng employer.
Kinumpiska pa umano ng kanyang employer ang kanyang cellphone para hindi siya maka-contact kanino man, at pinagbantaan pa siyang papatayin.
Kamakailan ay nagawang makapag-video call ni Manuales para muling humingi ng saklolo.
“Nauunawaan ko na may mga prosesong dapat gawin tungkol dito pero let us cut all these processes and immediately proceed to the main issue that she needs help and therefore, she must be rescued immediately,” ani Eleazar.
“Matagal ng siyang humihingi ng tulong pero wala pa rin kaya huwag na nating hintayin pa na kung anong masama pang mangyari,” aniya pa.
Ayon kay Eleazar, ang agency kung saan unang humingi ng saklolo si Manuales ay dapat ding imbestigahan para sa kabiguang mag-ulat sa mga kinauukulan.
“Kung meron ding mapatunayang nagpabaya sa mga ahensyang hiningan ng tulong, dapat tiyakin na mananagot sila,” aniya.