APAT na armadong lalaki ang huminto at sinunog ang isang modernong pasaherong jeep sa national road sa Bgy. Dahican, Catanauan, Quezon .
Ayon kay Quezon police director Col. Ledon Monte, nangyari ang pagsusunog ng alas-7:30 ng gabi ng Miyerkules.
Ang modernong jeep na pag-aari ng Gumaca Transport Cooperative ay dumadaan sa kalsada nang itigil ng mga suspek at iniutos sa mga pasahero na bumaba mula sa sasakyan bago ito sindihan.
Matapos ang insidente, agad na umalis ang mga suspek.
Wala namang mga pasahero ang nasaktan.
Ayon kay Monte, batay sa inisyal na imbestigasyon, may kaugnayan ang pagsusunog sa alitan sa pagitan ng Gumaca Transport Cooperative at mga colorum na nagmamaneho ng lumang jeepneys.
Ang opisyal ay nagbigay ng impormasyon matapos ang mga resulta ng inisyal na imbestigasyon ng pulisya na isinasagawa ng Catanauan Police Station.
Natuklasan ng mga imbestigador na bandang 1:00 ng hapon noong Enero 23, kinuhanan ni Jeselito, isang dispatcher ng Gumaca Transport, ng larawan ang isang lumang pasaherong jeep, na nagbigay galit kay “Benboy” ng Catanauan, Quezon.
“Bakit mo pinipicturan ang mga jeep namin na bumibiyahe papuntang Gumaca, baka may mangyaring masama sa inyo,” ang sinasabing binitiwan ng lalaki.
Noong Enero 28, nagkaruon ng alitan ang isang driver ng lumang pasaherong jeep na si Alejo at si Jayson, driver ng modernong pasaherong jeep, habang dumaraan sa Gumaca-Catanauan road.
“Nagkakagitgitan po kasi sa highway ‘yung old at modern jeep dahil sa pag- uunahan sa mga pasahero,” sabi ng isang source sa pulisya.
Batay sa mga pangyayari, sinabi ni Monte na iniimbestigahan ng pulisya ang ulat na ang mga nagtakasunog ay maaaring inupahan ng ilang operator ng lumang jeepneys.
Ang mga tauhan ng Quezon Provincial Forensic Unit sa ilalim ni Lt. Col. Sharon Fabros ang nagproseso ng crime scene.