MARIING kinukundena ni Basilan lone district Representative Mujiv Hataman ang pambobomba sa mga mag-aaral na nagdadaos ng misa sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University sa Marawi ngayong araw, kung saan ayon sa mga unang ulat ay tatlong katao ang namatay at marami ang sugatan.
Aniya, “Ito ay malinaw at simpleng terorismo. Wala tayong ibang salita para ilarawan ang ganitong uri ng karahasan laban sa mga tahimik na mag-aaral na nagtataglay ng kanilang pananampalataya”.
“Tulad ng paulit-ulit nating pahayag, walang lugar ang karahasan sa isang lipunang sibilisado. Ang mga responsable sa pambobombang ito ay dapat managot sa ilalim ng batas.”
“Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga namatay sa insidenteng ito. Hindi dapat nangyayari ang karahasan sa ating mga anak. Hindi ang mga paaralan ang dapat na maging lugar ng gulo. Ang mga magulang ay dapat na mapanatag na ang kanilang mga anak ay ligtas sa loob ng eskuwelahan.”
“Nananawagan ako sa mga awtoridad na isagawa ng buong pagsusuri ang insidenteng ito, huwag pabayaang may maiwang bato na hindi nadudukot. Dapat mailantad ang mga gumawa ng krimen. Babantayan natin ang mga kaganapang ito upang matiyak na makakamtan ang katarungan para sa mga biktima at kanilang mga pamilya”.