NATIMBOG ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group agents ang tinaguriang most wanted person sa bansa na gun-for-hire sa Zamboanga del Sur .
Kinilala ni PNP-CIDG director Maj. Gen. Leo M. Francisco ang suspek bilang si Rasid Pangarungan Dalidig o mas kilala bilang “Thata,” isang hitman na gun-for-hire sa Zamboanga Peninsula.
Kasama si Pangarungan sa listahan ng Department of Interior and Local Government ng Most Wanted Person na may reward na P140,000 .
Sinuyod ng mga miyembro ng Lanao del Sur CIDG Provincial Field Unit, ang pinagtataguan ng suspek sa Bgy. Bacolod Chico sa Marawi City, Lanao del Sur, mga bandang 5:50 ng hapon noong nakaraang Biyernes.
Inihain sa akusado ang warrant of arrest para sa kasong pagpatay na inisyu ni Judge Ali Ombra Bacaraman ng Iligan City Regional Trial Court sa Lanao del Norte noong Pebrero 17, 2022, at isa pang warrant para sa pagpatay na inisyu naman ni Judge Jaime Caberte ng Molave, Zamboanga del Sur RTC Branch 23 noong Pebrero 12, 2018.
Walang nirekomendang piyansang ibigay para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.