Nagbabala ang BAN Toxics ukol sa 6.6 sale ng ilang mga online shopping site na patuloy na nagbebenta ng mga ilegal na pampaputi ng balat.
Habang nangyayari ang 6.6 mid-year sale ng ilang mga online shopping platform, nagsagawa ng online market monitoring si BT Patroller Mary Kate San Juan, isang 17 taong gulang na youth volunteer. Napansin ni Mary Kate ang sunod-sunod na paglabas ng promo ads ng mga ipinagbabawal na produktong pampaputi ng balat ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ang mga skin lightening product (SLP) na may mercury na patuloy na ibinibenta sa merkado ay ang mga sumusunod:
- C Collagen Plus Vit E Day & Night Cream
- Erna Cream
- Parley Goldie Advanced Beauty Cream
- Golden Pearl Cream
- Goree Products (Beauty Cream and Day & Night Beauty Cream)
- Jiaoli Products (Huichunsu Specific Eliminating Freckle Cream and Miraculous Cream)
- Szitang Products (2in1/3in1 7day/10day Whitening, and Spot-Day Night Set)
Noong March 2022, ang Zero Mercury Group (ZMWG) na kinabibilangan ng BAN Toxics ay naglabas ng research na pinamagatang “Skin lighters still available online despite mercury findings.” Isiniwalat ng research na ito ang patuloy na pagbebenta ng mga SLPs na may mataas na mercury content sa mga sikat na e-commerce platforms sa 17 na bansa. Sa 271 na mga produktong sinubok, 129 ang natagpuang may mercury na lampas sa 1 part per million (ppm) na regulation limit.
Simula pa ng 2010, patuloy ang Philippine FDA sa paglabas ng mga public health warning laban sa mga nakalalason na produktong pampaputi ng balat na nagtataglay ng asoge o mercury. Pinayuhan din nito ang mga tao na bumili lamang ng mga produktong pampaputi na mayroong FDA market authorization, FDA License to Operate (LTO), at Product Certificates of Notifications.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga pampaputi ng balat na may taglay na mercury ay masama sa kalusugan. Ang pagkakalantad sa inorganic mercury galing sa mga produktong pampaputi ng balat ay maaaring magdulot ng sakit sa bato, pagpapantal, pag-iba ng kulay at pagkakapilat ng balat, paghina ng resistensya ng balat sa mga impeksyong bacterial at fungal, pagkabalisa, depresyon, psychosis at peripheral neuropathy.
“Ako ay isang BT Patroller! Gawin natin ang ating parte, sikapin nating iparinig ang boses ng kabataan, at manindigan tayo para sa ating kinabukasan,” sabi ni Mary Kate San Juan.
“Katulad ni Mary Kate, hinihikayat namin ang mga kabataan na pangalagaan ang kapaligiran at maging isang mapagbantay na mamamayan na makakatulong sa pagligtas ng mga buhay at pagprotekta sa kapaligiran gamit ang kanilang mga sariling paraan,” sabi ni Reynaldo San Juan Jr., executive director of BAN Toxics.
Hinihikayat ng BAN Toxics ang lahat ng mga online shopping platform na sumunod sa patakaran ng gobyerno pagdating sa mga produkto na may mga nakalalasong kemikal. Hinihikayat rin sila na tanggalin ang mga patalastas ilegal na mga skin lightening product na nagtataglay ng mercury na ipinagbabawal ng FDA.