KINASUHAN ng Komite ng Public Accounts sa Kamara, si San Simon, Pampanga Sangguniang Bayan Secretary George Cariño, ng contempt dahil sa kanyang pagtanggi na sagutin ang mga tanong, at kabiguang magsumite ng mga dokumento kaugnay sa pagdinig.
Sampung araw na pagkakakulong sa House detention center, at ang pagpapalaya sa kanya ay ibabatay sa mga kundisyon na babanggitin ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta.
Ang kinukwestyong dokumento ay ang kopya ng liham ni San Simon Mayor Abundio Punsalan Jr., na umano’y nagsasaad ng labis na pangangailangang ipatupad ang Resolution 20-005 na binabago ang klasipikasyon ng ilang lupaing pang-agrikultura sa lupaing pang- industriya at pang-komersyo.
“This committee directed you to produce the document hindi ba? O walang dokumento, tama? Bakit ka magce-certify? Kasi ang order ng committee is for you to produce, now you’re justifying ‘yung question ngayon doon sa issue ng certificate of urgency,” ayon kay Paduano.
Nakapagsumite lamang si Cariño ng dokumento sa lupon, na nagsasaad na sinesertipikahan ng alkalde ang urgent approval ng partikular na resolusyon.
Si Punsalan ay nasuspindi dahil mahigpit niyang pinabubulaanan na nag-isyu siya ng anumang liham na mahigpit na humihiling sa pag-apruba ng narurang resolusyon.
Nagmosyon si Marcoleta na sampahan ng contempt si Cariño habang pinagsususpetsahan rin siya ng pagtatakip kay Punsalan, hinggil sa sertipikasyon ng nasabing resolusyon bilang urgent.
“I honestly believe that there is a letter of urgency submitted by the municipal mayor but it is being covered up by the Sangguniang Secretary George Cariño. And probably his release will be dependent on either the production of that particular letter of urgency submitted by the mayor, and also by recanting his statement that his bosses and superiors are the members of the Sangguniang Bayan instead of the people of the Philippines, particularly the people of San Simon, Pampanga,” ani Marcoleta.
Ang imbestigasyon ay isinagawa alinsunod sa House Resolution 1503 na inihain ni SENIOR CITIZENS Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, na kabilang sa apat na kaso na isinampa ng mga concerned citizens ng San Simon, Pampanga laban kay Punsalan, hinggil sa conversion at re-classification na isang agricultural property, ang umano’y extinguishment ng isang procurement project, ang umano’y illegal disbursement ng P45 milyong halaga ng pampublikong pondo at ang paggamit ng huwad na mga dokumento para makakolekta ng P5 milyon sa isang pribadong contractor.