INI-IMBESTIGAHAN ngayon ng House committee on dangerous drugs sa pangunguna ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang tinatayang P30 billion halaga ng shabu na nakumpiska ng Bureau of Customs-Port of Subic sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Department of Justice sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga kamakailan.
Ang imbestigasyon ng nasabing komite ay sa bisa ng House Resolition Nos. 1346 at 1351 authored by Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Rep. Jefferson Khonghun.
Sa imbestigasyon, sinabi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo na may 1.8million katao ang gumagamit ng iligal na droga.
Kumokomsumo aniya ito ng 1 gram per month o .25grams per week katumbas ng 450 grams ng shabu per week o sa kabuuang 21,600 kilos.
Ayon naman kay Patrol partylist Rep. George Bustos kailangan malaman ng taumbayan ang laki ng bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga upang may kamalayan sila na malaking problema ang kinakaharap ng bansa sa iligal na droga.
Umapila si Bustos sa lahat ng concern agencies na hikayatin ang mga kabataan sa isang youth oriented activities upang makaiwas sa masamang dulot ng ipinagbabawal na gamot.
Sa bandang huli, pinayagan ng komite ang kahilingan ni Atty. Jonathan Galicia ng NBI para sa isang executive session upang dito isiwalat ang buong detalye sa nangyaring operasyon.