NAMAHAGI ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng kabuuang halagang P4,920,000 sa mga maliliit na magpapalay sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) noong ika-22 hanggang ika-23 ng Hunyo sa Catanauan at Unisan, Quezon.
Aabot sa 984 na mga magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagtatanim sa mga palayan na hindi lalagpas sa dalawang ektarya ang tumanggap ng P5,000 bawat isa.
Ang RCEF-RFFA ay base sa Republic Act (RA) 11203 o mas kilala bilang “Rice Tariffication Law,” kung saan ang tulong-pinansyal ay nagmumula sa mga taripa na nakokolekta mula sa pag-aangkat ng bigas.
Nanguna sa pamamahagi sina DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes, Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Quezon Cong. Reynan Arrogancia, Punong-bayan ng Catanauan na si Mayor Ramon Orfanel, Punong-bayan ng Unisan na si Mayor Ferdinand Adulta, kinatawan ni Governor Helen Tan: Board Member JJ Aquivido, at iba pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at DA-4A.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Danilo Aguilar, isang magpapalay mula sa San Narciso, Quezon, dahil makatutulong sa kanya ang tulong-pinansyal sa pagbili ng krudo para sa water pump na ginagamit sa kanyang mga palayan.