NAGLAAN ng kabuuang P438.16-milyon ang pamahalaan sa 2024General Appropriations Act (GAA), upang pondohan ang pagkalkula sa mga mag-aaral ng senior high school (SHS) na nasa technical-vocational livelihood (TVL) track, ayon kay House Committee on Basic Education and Culture chairman at Pasig City Rep. Roman Romulo ngayong Lunes.
Ipinahayag ito ni Romulo sa pagpapatuloy ng Komite ng kanilang deliberasyon sa House Bill 8242, na inihain ni Zambales Rep. Doris Maniquiz, na naglalayong ilibre ang mga mag-aaral sa senior high school (SHS) na nasa ilalim ng SHS TVL track, at iba pang SHS tracks na nangangailangan ng mga sertipikasyon para sa pagbabayad ng mga assessment fees.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng Special Provision No. 8 ng 2024 GAA, ang Technical Education and Skills Development Authority ay may inilaang P438.16-milyon para sa Senior High School Assessment at Certification Support Program.
Magkatuwang na gagawa ng mga tuntunin ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at TESDA para sa pagpapatupad ng naturang programa.
Ayon kay Romulo, ang mga mag-aaral sa senior high school sa ilalim ng TVL Track ng DepEd ay hindi lamang makakakuha ng diploma mula sa DepEd, kungdi maging ang National Certificate (NC) mula sa TESDA kung sila ay makakapasa sa competency exam.
Sinabi ni Dr. Leila Areola, Director IV ng DepEd Bureau of Learning Delivery, na kapaki-pakinabang para sa mga mag-aaral na malibre sa pagbabayad ng assessment fees, at pinag-uusapan na rin ito aniya sa TESDA.
“Most likely, it will be how many of our learners will be getting into this assessment so we’ll get to find out whether that amount is going to cover all our learners in the senior high school,” ayon kay Areola.
Sinabi naman ni TESDA Policy and Planning Division chief Ma. Linda Andrade na dinadraft na nila ang magkasanib na memorandum circular para dito.
Tinanong ni Romulo kung posible ba para sa isang graduating na mag-aaral na mabigyan ng diploma kahit walang NC, at tumugon si Areola na nangyayari ito kapag nabigo ang isang mag-aaral na pumasa sa assessment exam.
Sinabi ni Romulo na ang sitwasyon ay hindi makakabuti para sa mga mag-aaral ng tech-voc kumpara sa estudyante na nasa academic track. “(In) the new academic track, lahat nung units na kinukuha niya kailangan ipasa niya di ba para mabigyan ninyo ng diploma. Pero sa TVL Track lumalabas makapasa siya ng 22 of the 33 or 32 subjects, magga-graduate siya.
Di ba unfair yun sa lahat ng strands ng academic track? In the sports track, and Arts and Design? Di ba unfair yun because effectively, magbibigay kayo ng diploma sa isang magtatapos ng Grade 12 kahit hindi siya pasado sa assessment sa kanya sa TechVoc.
That will be the consequence of the response you had that it is possible to give a diploma kahit walang NC,” aniya. Ipinaliwang ni Areola na sa umiiral na mga kautusan ng DepEd, ang pagkuha ng NC ay hindi pa isang rekisitos.
Iginiit ni Romulo na ang paninindigan ng K to 12 noong 2013 ay two-fold: college-ready at job-ready.