PORMAL nang inihain ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang isang petisyong dagdag sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region matapos ang walang humpay ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at petrolyo.
Hiling ng grupo ang P470 kada araw para sa mga manggagawa sa Metro Manila ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay .
At kung sakaling aprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB), sisipa sa P1,007 kada araw ang magiging sahod ng mga minimum wage earneras sa kabisera..
“Non-negotiable po ito at baka pagalitan ho tayo ng mga manggagawa,” ani Tanjusay.Dagdag pa nito, napakaliit na ng natitira sa sahod ng mga manggagawa bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Matagal-tagal na ring walang dagdag na sahod ‘yong mga manggagawa at napakaliit na ng take-home pay,” aniya pa. Nanawagan din ang TUCP para sa kagyat na aksyon ng RTWPB – “Sana bago sumapit ang Semana Santa.”
Matapos ang pormal na paghahain ng naturang petisyon, agad namang nagpapatawag ng konsultasyon ang wage board sa mga negosyante at employer.Nauna nang inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello ang RTWPB na madaliin ang pag-aaral sa pagtataas sa minimum wage.