NASA P860,977,500 na ang kabuuang halaga ng na-disburse o naipagkaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Landbank of the Philippines (LBP), upang maipamahagi sa mga benepisyaryo ng Fuel Subsidy Program.
Batay sa huling datos ng LTFRB noong ika-03 ng Oktubre 2023, umabot na sa 132,009 na mga operator ng pampublikong sasakyan sa buong bansa ang naisama sa listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng fuel subsidy na isinumite ng Ahensya sa LBP.
Samantala, 92,755 na yunit ng pampublikong sasakyan naman sa buong bansa ang nakatanggap na ng subsidiya na may katumbas na halaga na P605,186,000 sa ilalim ng Fuel Subsidy Program (FSP) ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB.
Layon ng FSP na makapaghatid ng tulong at suporta sa ating mga kababayan nating operator at tsuper sa kanilang gastusin dulot ng mataas na presyo ng petrolyo.