SA gitna ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day ngayong Oktubre 5, ibinahagi ni Senador Win Gatchalian na maghahain siya ng panukalang batas na layong amyendahan at gawing angkop sa kasalukuyang panahon ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).
Ilan sa mga bagong probisyong isusulong ni Gatchalian ang pagbibigay ng special hardship allowance sa mga mobile teachers, kabilang na ang mga Alternative Learning System (ALS) teachers. Isusulong din ni Gatchalian na mabigyang proteksyon ang mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses at pagsasagawa ng mga non-teaching tasks. Nais din ni Gatchalian na maitaguyod ang karapatan ng mga guro at ang kanilang longevity pay.
Binigyang diin ng mambabatas na kailangan ang ganap na pagpapatupad ng batas na layong itaguyod ang kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Aniya, 57 taon na ang lumipas simula nang maging batas ang Magna Carta, ngunit may mga probisyon ang batas na hindi pa napapatupad.
Isa sa mga probisyong ito ang Section 22, kung saan nakasaad na makakatanggap ang mga public school teachers ng libreng annual physical examination. Bagama’t may binibigay naman ang Department of Education (DepEd) na tulong pinansyal para sa check-up ng mga guro simula noong 2019, wala pa ring programa para sa annual check-up ng mga guro kagaya ng nakasaad sa Magna Carta.
Nakasaad naman sa Section 26 ng batas na aakyat ng isang ranggo ang mga magre-retire na guro, at ang sahod sa ranggo na iyon ang magiging batayan sa mga benepisyo ng retirement. Sa kasalukuyan, ang average na buwanang sahod na natanggap ng empleyado sa huling 36 buwan ng panunungkulan bago ang retirement niya ang nagiging batayan sa kompyutasyon ng Government Service Insurance System (GSIS).
Pinuna rin ni Gatchalian na sa ilalim ng Section 31 ng Magna Carta, may mandato ang DepEd Secretary na magsumite ng panukalang pondo para sa pagpapatupad ng Magna Carta. Sa kabila nito, ang DepEd ay nagsusumite lamang sa Kongreso ng panukalang pondo ng ahensya kada taon.
“Napapanahon na upang tiyakin nating tumutugon ang Magna Carta sa mga pangangailangan at hamong kinakaharap ng ating mga guro. Nakatakda tayong maghain ng panukalang batas na mag-aamyenda sa Magna Carta, at magpapanukala tayo ng mga bagong probisyong siguradong magtataguyod sa kapakanan ng ating mga guro,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.