INIMBESTIGAHAN ng Komite ng Enerhiya sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ngayong Huwebes, bilang ayuda sa lehislasyon, ang sunud-sunod na pagkawala ng kuryente sa mga isla ng Panay, Guimaras, at Negros mula ika-2 hanggang 4 ng Enero 2024.
Ang imbestigasyon ay isinagawa alinsunod sa mga House Resolutions (HR) Nos. 933, 934, at 944.
Ipinaliwanag ni Rep. Velasco na ang imbestigasyon ay hiniling upang tukuyin ang mga pangmatagalang solusyon para maiwasan ang paulit-ulit na insidente, at binanggit na nagsagawa na ng pagdinig noong nakaraang taon hinggil sa parehong usapin.
Binanggit rin ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda ang hinaing ni Rep. Velasco nang ipahayag niya na bukod sa pagbibigay ng problema sa mga mamamayan, ay labis na naapektuhan ang ekonomiya sa rehiyon dahil sa pagkawala ng kuryente na naging sanhi ng pagkalugi ng mga negosyo na umaabot sa P1-bilyon kada araw.
Idinagdag ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor na labis ding naapektuhan ang operasyon ng mga ospital na naglagay sa panganib sa mga pasyente at labis na nakaapekto sa pangangalaga ng kalusugan.
Nanawagan siya sa Department of Energy (DOE) at sa Energy Regulatory Commission (ERC), mga ahensya na may mandato na silipin at pangasiwaan ang sektor hinggil sa usapin.
Ayon sa lupon, maiiwasan sana ang pangyayari kung tinanggal ang mga pre-selected loads bilang tugon sa abnormal na kundisyon para mapanatili ang integridad ng sistema, isang proseso na tinatawag na manual load dropping (MLD).
Iminungkahi ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc na isagawa ang regular electric grid simulations alinsunod MLD, at mga ancillary services sa rehiyon na palawakin pa. Kinilala ni Ms Clarisse Santos, Executive Secretary ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association, ang mga electric cooperatives na ginawa ang kanilang mga bahagi para matugunan ang mga hinaing ng mga miyembrong konsyumer.
Tiniyak ni National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Regulatory Management Division Head Darryl Ortiz sa lupon na makukumpleto na ang phase 3 ng Cebu-Negros-Panay (CNP) transmission line project sa ika-31 ng Marso 2024, na makakatulong para masolusyonan ang krisis sa kuryente.
Iminungkahi ni DOE Undersecretary Sharon Garin na: 1) Rebisahin ang prangkisa ng NGCP para maihiwalay ang kanilang systems operations mula sa transmission network; 2) pagpapalakas sa Electric Power Industry Reform Act of 2001, sa pamamagitan ng pagtataas ng mga kaparusahan, at maaaring pagsama ng pagkabilanggo sa mga lalabag; at 3) pagrebisa sa tatlong porsyentong franchise tax.
Tinapos ni Rep. Velasco ang pagdinig sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kahalagahan ng wastong koordinasyon at komunikasyon sa mga kaugnay na ahensya, upang maiwasang maulit ang pagkawala ng kuryente ngayong Enero.