
MAKALIPAS ang mahigit dalawang buwan, naisipang isulong ng mga militanteng kongresista sa Kamara ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng serye ng pamamaslang sa hanay ng mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC).
Sa inihaing House Resolution 2494 ng Makabayan bloc, pinasisiyasat ng mga militanteng kongresista sa dalawang komite ng Kamara ang anila’y mala-tokhang na patayan sa naturang ahensya.
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, inaatasan ang House committee on human rights at committee on civil service and professional regulation na pangunahan ang imbestigasyon sa mga karahasang kumitil ng tatlo katao – kabilang ang dalawang opisyal at pagkasugat ng iba pang kawani ng naturang ahensya ng gobyerno.
Buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon unang tinambangan si Atty. Melvin Tan malapit sa kanyang bahay sa Las Pinas City, at nasundan pa nitong nakaraang buwan nang hinagisan naman ng granada ang tanggapan ng Enforcement and Security Service ng BOC sa lungssod ng Maynila.
“WHEREAS, prior to the January 29 incident, Eudes Nerpio and Ryan Difuntorum were ambushed by unidentified gunmen. While Mr. Difuntorum survived the attack, Mr. Nerpio who was hit in his head by a bullet died,” saad ng resolusyon.
Pagsapit ng Pebrero, isa pang empleyado ng BOC na kinilalang si Gil Manlapaz ang binaril at napatay habang nasa loob ng sasakyang nakaparasda sa harap mismo ng kanyang tahanan sa Sta. Ana, Maynila.
Maliban kay Manlapaz, ang lahat ng mga napatay at swerteng nakalusot sa kalawit ng kamatayan ay pawang bahagi ng talaang binansagang “death list,” kung saan makikita ang pangalan ng 14 na opisyal at kawani ng BOC sa inirekomendang sampahan ng kasong katiwalian ng Presidential Anti-Corruption Commission. (PACC) “WHEREAS, these reprehensible attacks against the employees of the BOC are similar to the tokhang-style killings whose victims were suspected illegal drug addicts and pushers but this time against those suspected of involvement in corruption.
Similarly, while there is a narco-list of suspects involved in the illegal drug trade, there is also a so-called list of suspected corrupt officials at the BOC,” banggit pa sa resolusyon.
Una nang kinondena ng Bureau of Customs Employees Association (BOCEA) at pamilya ng mga biktima ang serye ng pag-atake sa mga empleyado ng BOC, kasabay ng panawagan ng isang kawalang kinakatigang pagsisiyasat.