PATAAS ng pataas ang bilang ng mga 15-taong gulang na nabuntis mula 2021 hanggang 2022, o nasa 3,135 o 35.13% mula sa dating 2,320 na bilang kaya naman kailangan ang pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa bansa .
Binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na “Bagama’t may polisiya na ang DepEd sa pagpapatupad ng CSE sa ilalim ng DepEd Order No. 31 s. 2018, kinakailangang tiyakin natin ang epektibong pagpapatupad nito sa mga paaralan,” ani Gatchalian. Inihain niya ang Proposed Senate Resolution No. 13 na layong suriin ang pagtaas ng bilang ng mga maagang pagbubuntis at mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa mga kabataan. Layunin ng gagawing pagsusuri na patatagin ang CSE ng DepEd.
Iniulat kamakailan ng Commission on Population and Development (CPD) na sa pagitan ng 2021 at 2022, umakyat sa 3,135 o 35.13% mula 2,320 ang bilang ng mga 15-taong gulang na nanganak. Sinabi ni CPD Executive Director Lisa Bersales na habang nasa 0.22% lamang ng mga kabuuang live births ang mga nabubuntis na nasa 14 taong gulang pababa, nababahala pa rin ang ahensya sa paglobo ng bilang ng mga maagang pagbubuntis.
Nagbabala ang United Nations Population Fund (UNFPA) na para sa mga batang nabuntis bago ang edad na 18, mas mababa ang tsansa nilang makatapos ng pag-aaral na nakakaapekto rin sa pagkakataong makahanap ng mas magandang trabaho.
Paalala ng ahensya, nagdudulot ang maagang pagbubuntis ng panganib sa kalusugan ng ina at anak. Mataas din ang tsansang mas matanda ang nakakabuntis sa mga batang babae, bagay na nagpapataas ng tsansang maging biktima sila ng karahasan sa kanilang mga tahanan.
“Nakakabahala ang pagdami ng bilang ng mga batang ina, lalo na’t hinaharap ng mga kabataang ito ang panganib na matigil sa pag-aaral at makaranas ng karahasan. Mahalagang tiyakin nating nasa paaralan ang mga babaeng mag-aaral, at matatanggap nila ang epektibong sexuality education para sa kanilang sapat na kaalaman at proteksyon,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Sa 2024 national budget ng DepEd, hindi bababa sa P100 milyon ang inilaan sa ilalim ng Learner Support Programs para sa pagpapatupad ng Adolescent Reproductive Health Program.