ABSWELTO si retired Army General Jovito Palparan at ilang iba pa kaugnay ng kasong pagdukot sa magkapatid na magsasaka sa Bulacan noong 2006.
Ayon sa Malolos City Regional Trial Court Branch 19, bigo ang prosekusyon na patunayan ang guilt beyond reasonable doubt kung kaya naabswelto si Palparan.
Ang kaso ay isinampa ng magkapatid na magsasakang sina Raymond at Reynaldo Manalo.
Sa kabila ng acquittal, nangako si Raymond na itutuloy pa rin niya ang pagkuha ng hustisya para sa kanilang magkapatid.
Una nang kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng kidnapping at serious illegal detention with serious physical injuries si Palparan kaugnay ng umano’y pagdukot sa magkapatid na Manalo.
Ayon kay Raymond, kinidnap sila ng aniya ay mga militar mula sa kanilang tahanan sa San Ildefonso, Bulacan noong 2006.
Sinabi niyang ikinulong sila ng mahigit isang taon sa ilang kampo ng sundalo sa Timog Katagalugan hanggang sa magawa nilang makatakas noong Agosto 13, 2007.