OPISYAL nang pinasimulan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Pambansang Kongreso sa Nanganganib na Wika sa National Museum of Fine Arts sa Lungsod ng Maynila, kahapon, ika 24 ng Oktubre.
Layunin ng Kongreso na mailatag at matalakay ang pananaliksik, pagbuo ng programa at iba pang usapin o isyu upang mahikayat ang mga katutubo konunidad na maidokumento ang kanilang mga wika.
Ayon kay Arthur Cassanova, mayroong 130 na wika sa Pilipinas at 44 dito ay nanganganin nang tuluyang maglaho.
Paliwanag pa ni Cassanova, ang wika ay bahagi ng kultura at ang kultura ay ang identity o pagkakakilanlan ng isang grupo o tribo.
Dagdag pa ni Cassanova, sa pagdaan ng panahon ay unti-unting nababawasan ang mga katutubong wika dahil na rin sa iba’t-ibang dahilan. Isa na dyan ang papaunting mga katutubo na gumagamit ng isang partikular na wika dahil napadpad sa ibang lugar na may ibang wika o di kaya naman ay ang pag-aasawa ng mga katutubo na galing sa ibang tribo.
Dahil dito ay natutuo ng bagong wika ang isang indibidwal at pagdaan ng panahon ay nalilimutan ang kanyang sariling wikang kinagisnan.
Ang Kongreso ay dinaluhan ng mga guro, mga iskolar, dalubhasa, mananaliksik, mga katutubo at iba pang mga stakeholders.
Magtatapos ang tatlong araw na kongreso sa ika 26 ng Oktubre.