APRUBADO na ngayong Lunes ng Komite ng Kalusugan sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Batanes Rep. Ciriaco Gato, Jr. ang pagsasama-sama ng labing-isang panukalang batas upang mapabuti ang serbisyo para sa mga ina at panganganak sa bansa at apat (4) na panukalang batas na naglalayong palakasin o baguhin ang Human Organ Donation at Transplantation Program at pagbibigay ng mga parusa para sa paglabag nito.
Ang panukalang batas sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa mga ina at panganganak sa bansa: HBs 1648, 5380, 5437 at 6052, na iniakda ni Pangasinan Rep. Marlyn Primicias-Agabas, Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr., at Rep. Villafuerte Jr., na naglalayong magtatag ng Maternal and Infant Health Home Visitation Program, HBs 3143, 4510, 5476, 5550 at 8233, na iniakda ni dating AN WARAY Rep. Florencio Gabriel ‘Bem’ Noel, Parañaque City Rep. Gus Tambunting, Rep. Dionisio Jr., dating Valenzuela City Rep. Rex Gatchalian, at Rep. Villafuerte Jr., ayon sa pagkakabanggit, na naglalaan para sa pagpapabuti ng mga serbisyo sa mga ina at panganganak sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga lugar ng paanakan at pagsasanay sa mga tradisyunal na nagpapaanak at paglalaan ng mga pondo para dito; HB 5684, ni Deputy Speaker Camille Villar, na pinangangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipinong ina sa oras ng kanilang panganganak, na magbibigay ng mga mekanismo ng proteksyon para dito; at HB 9354, ni Rep. Gato, na nagbibigay ng komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng ina, kabilang ang pagbabakuna para sa mga buntis.
Ayon kay Rep. Gato, kinakailangan talagang pagbutihin ang programa sa pangangalagang pangkalusugan ng ina at anak sa bansa.
“I earnestly sought approval of my bill considering that the maternal mortality and infant mortality are still on the rise. I also proposed the inclusion in the immunization program not only of tetanus, which I believe is the only one being given free, but also of other vaccines for acellular pertussis and diphtheria,” aniya.
Ayon kay Dr. Manuel Noel Ballesteros ng Department of Health Disease Prevention and Control Bureau, pinupuri ng DOH ang marangal na layunin ng mga panukalang batas at sinusuportahan nila ang mga ito. Aniya, layon ng mga panukala na mapabuti ang pangangalaga sa kalusugan ng ina at bata sa pamamagitan ng pagtatatag ng Maternal and Infant Health Home Visitation Program, karagdagang lugar paanakan, at National Immunization Program at Training Birth Attendant.
Sinabi niya na ang mga ito ay naaayon sa istratehiya ng DOH sa pagbabawas ng pagkamatay ng ina sa panganganak. Para sa konsolidasyon din ang House Bill 723, na iniakda ni Kabayan Rep. Ron Salo, na nagpapalakas sa Human Organ and Tissue Donation and Transplantation Program at nagbibigay ng mga parusa sa paglabag nito; HB 1217, ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, na naglalaan ng Revised Human Organ Donation and Transplantation Program at nagbibigay ng mga parusa para sa paglabag nito; at HBs 4004 at 7099, na iniakda ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr. at Quezon Rep. Keith Micah ‘Atty. Mike’ Tan, ayon sa pagkakabanggit, na nagbibigay ng isang “opt-out” na sistema ng donasyon ng lamang-loob at tisyu, na nagtataguyod ng karapatan sa kalusugan, at pagbibigay ng mga parusa para dito.
Sa paliwanag na tala ng HB 723, sinabi ni Rep. Salo na kinakailangang magpasa ng batas na magpoprotekta sa buhay ng mga pasyente sa pamamagitan ng pagbuo ng isang pambansang sistema ng pagtataguyod ng donasyon ng lamang-loob mula sa mga namatay na donor at mga nabubuhay na donor, at sa kabilang banda, protektahan ang mga buhay na donor mula sa pagsasamantala, pang-aabuso, at human trafficking.
Sinabi niya na ang kanyang panukalang batas ay naglalayong tiyakin ang pagkakaroon ng mga organo at tisyu para sa donasyon sa mga pasyente na nangangailangan ng mga ito, habang nagbibigay ng mas mahigpit na regulasyon at mas maingat na pangangasiwa sa pagsasagawa ng donasyon ng lamang-loob. Inaprubahan din ng Komite ang ilang panukalang batas na naglalayong pabutihin/isaayos ang mga ospital sa probinsiya at distrito sa bansa.