PANSAMANTALANG tataas ng piso (P1.00) ang pamasahe sa mga pampublikong dyip sa buong bansa simula sa darating na Linggo, ika-08 ng Oktubre 2023.
Paglilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, tanging minimum fare lang ang magbabago at hindi ang pamasahe para sa mga susunod na kilometro kaya’t hindi na kinakailangan ng mga tsuper o operator na magpaskil ng taripa o fare matrix.
Magkakaroon ng karagdagang P1.00 ang minimum fare sa mga traditional public utility jeep (TPUJ) na magiging P13.00 habang aakyat naman sa P15.00 ang pamasahe sa mga modern public utility jeep (MPUJ) sa buong bansa.
Kasunod ito ng pag-apruba ng ahensya sa inihaing petisyon ng ilang transport groups na dagdagan ang pamasahe sa mga pampublikong dyip bunsod ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Pinaalala rin ng LTFRB sa mga operator at tsuper na ibigay ang mga diskwento para sa senior citizens, persons with disability (PWDs), estudyante, at iba pa.