“Bilang pag-alala sa pangako ni Presidente Bongbong Marcos (PBBM) na sosolusyunan nito ang problema ng Pilipinas sa plastic pollution at climate change, muling pinapanawagan namin sa Presidente ang agarang kongkretong aksyon upang wakasan ang nasabing problema,” ani Reynaldo San Juan, Executive Director ng BAN Toxics.
Isang taon na ang nakalipas nang ipahayag ni PBBM sa kanyang unang SONA na bibigyan niya ng prayoridad ang isyu ng climate change mitigation sa kanyang administrasyon.
“Ang plastik ay matatagpuan sa ating kapaligiran, pati ang microplastics (maliliit na plastic particles hanggang 5mm sa diameter) na kamakailan ay natuklasan ng ating mga siyentista sa hangin na ating nalalanghap. Nakakabahala ito lalo pa’t limitado ang ating kaalaman hinggil sa microplastics at sa epekto nito sa kalusugan ng tao,” dagdag ni San Juan.
Natuklasan sa pananaliksik na ginawa ng mga siyentistang Pilipino kamakailan lang ang presensya ng microplastics sa hanging nalalanghap ng tao sa lahat ng siyudad at munisipalidad ng Metro Manila. May naunang pag-aaral na nakatuklas din sa presensya ng microplastics sa limang ilog na dumadaloy patungong Manila Bay. Maaaring pumasok ang microplastics sa katawan ng tao kapag nalanghap o na-absorb at maaaring maipon sa mga organo ng katawan. Tinitingnan ng mga nasabing dalubhasa na isang “ticking time bomb” ang usapin na nangangailangan ng kagyat na aksyon at radikal na pagbabago.
“Mahusay ang naging ‘proactive’ na tindig ng ating pamahalaan sa simula pa lamang upang itaguyod ang isang panibagong pandaigdigang kasunduang susugpo sa plastic pollution sa pakikipagtulungan sa iba pang mga bansa. Mananatiling masugid ang BAN Toxics sa pagsuporta sa tindig na ito hanggang matapos ang negosasyon sa 2024 at sa prosesong dadaanan ng Pilipinas sa pagbubuo ng sariling mga regulasyon.”
Binigyang-diin din ng grupo ang mga prayoridad na aksyong dapat tugunan ni Marcos sa pagharap nito sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
“Kagyat ang pangangailangang itaguyod ang prinsipyo ng “sustainable production and consumption” ng plastik dahil sa bilis ng produksyon nito kumpara sa anupamang materyales. Nakita din natin ang nakakabahalang “shift” patungo sa paggamit ng mga produktong single-use plastic, o mga produktong nakadisenyo na itapon matapos isang beses na gamitin.”
“May papel ang pamahalaan sa plastics value chain at maaari nitong alisin ang mga plastik na produktong hindi naman natin kailangan. Muli naming inuulit ang panawagan kay Presidente Marcos para sa agarang pagpasa ng isang pambansang regulasyon nagbabawal sa single-use plastics.”
“Maaaring isulong ng gobyerno ang makabagong inobasyon na nagtitiyak na ang mga esensyal na plastik ay nakadisenyo at pinapasok sa ekonomiya na may pokus sa “reusability”. Maaari itong makamit sa pamamagitan ng minimum na sustainability criteria, paglalagay ng hangganan sa polymer and toxic additive, targets para sa recycled content, common criteria para sa hindi kailangan, maaaring iwasan, mga problematikong plastics, at mga rekisito para sa ‘reuse and refill’.”
Diniinan din ng BAN Toxics ang kakagyatan para sa Presidente na pangalagaan ang Pilipinas na hindi maging basurahan ng mayayamang bansa sa pamamagitan ng pag-ratify sa matagal nang nabalam na Basel Ban Amendment. Nagbabawal ang pandaigdigang kasunduan na ito sa pag-export ng hazardous wastes mula sa mga kasaping bansa ng European Union, OECD, at Liechtenstein patungo sa mahihirap na bansa para i-recycle man ito o hindi.
Sinabi pa ng grupong nagsusulong ng environmental justice ang pangangailangan para sa gobyerno na bigyang prayoridad ang pangangalaga sa kapaligiran at kalusugang pampubliko. “Kapag pinatagal pa natin ang pagharap sa mga nasabing isyu, lalo tayong magiging bulnerable sa masamang epektong dala nito.”