HUMIGIT kumulang 2,000 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pantalan sa iba’t ibang panig ng bansa sa gitna ng pagdagsa ng mga pasahero patungo sa mga lalawigan para sa Semana Santa.
Sa isang kalatas, seguridad ng mga pwerto at kaligtasan ng mga pasahero ang pangunahin sa mga tututukan ng coast guard personnel na ikinalat sa 15 PCG districts kung saan mahigpit na ipinatutupad ang inspeksyon sa mga sasakyang dagat – barko man o maliliit na bangkang de motor.
Paliwanag ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu, target nilang tiyaking walang overloading sa 156 barko at 183 bangkang de motor mga pumalaot sa karagatan patungo sa iba’t ibang lalawigan.
Sa datos ng PCG, nasa 13,640 “outbound passengers” ang kanilang binabantayan, bukod pa sa 10,421 na “inbound passengers” makaraang isailalim sa “heightened alert” mula Abril 8 hanggang 18 ang lahat ng district offices, stations at sub-station ng hukbong bantay-dagat bilang paghahanda sa Mahal na Araw.
Samantala, aabot sa 2,000 pasahero ang natengga sa mga pantalan sa Bicolandia, Eastern Visayas at Northern Mindanao kung saan nanalasa ang bagyong Agaton.
Sa ulat ng PCG, kabilang sa binabantayan ng kanilang mga tauhan ang mga pantalan sa Liloan, San Ricardo, Ormoc, Isabel, Bato, Sta. Clara, Dapdap, Daram, at Naval sa Eastern Visayas; Siargao, Lipata, Naisipit, at Placer sa northeastern Mindanao; at Matnog sa Bicol.