HINDI nagpatinag ang Philippine Coast Guard (PCG )sa pambabarako ng mga Tsino habang nagpapatrolya karagatan malapit sa Bajo de Masinloc nito lamang Marso.
Isang Chinese vessel na ilang metro lamang ang layo sa barkong BRP Malabrigo (MRRV-4402) na gamit ng mga bantay-dagat ng Pilipinas ang nag-maniobra roon.
Sinabi ng PCG na hindi man lang tumindig ang kanilang balahibo sa ginawang “close distance maneuvering” na mahigpit na ipinagbabawal sa karagatan dahil sa posibilidad ng isang malagim na salpukan ng mga barko.
Nanatili namang tikom ang Chinese Embassy kaugnay ng naturang insidente. Gayunpaman, naglabas ang embahada ng talaan ng mga paglabag ng Estados Unidos sa South China Sea.
Ayon naman kay PCG commandant, Coast Guard Admiral Artemio Abu, hindi ito ang unang pagkakataong gumawa ng peligrosong maniobra ang mga sasakyang dagat ng Tsina sa Bajo de Masinloc.
Katunayan aniya, may nauna pang tatlong katulad na insidenteng kanilang naitala sa nasabing bahagi ng West Philippine Sea kung saan aniya sila nagpapatrolya bilang tugon sa direktibang protektahan ang teritoryong pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kabilang aniya sa mga Chinese vessels na unang gumawa ng “close distance maneuvering” sa Bajo de Masinloc ay ang Chinese coast guard vessel na may bow number 3305.
Dagdag pa niya, 21 yarda lamang ang distansya ng naturang barkong Tsino sa nagpapatrolyang sasakyang dagat ng Pilipinas. Para kay Abu, malinaw ang paglabag ng Chinese Coast Guard sa 1972 International Regulations Preventing Collisions at Sea.
Batid na rin aniya ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga nasabing pambabarako ng mga Tsino sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas, kabilang ang mga mangingisdang una nang dumulog sa umano’y garapalan pagtataboy sa kanila ng Chinese Coast Guard sa WPS.