NAGSAGAWA ng Special Joint Session ang Kapulungan ng mga Kinatawan at Senado ngayong Sabado, upang dinggin ang mensahe ni Japanese Prime Minister (PM) Fumio Kishida. “The relationship between Japan and the Philippines has made great strides over the past half century,” ani PM Kishida.
Sa harap ng mga nagtipon na miyembro ng Kongreso, nangako siyang gagawin ang kanyang buong makakaya “to ensure that the strong friendship between Japan and the Philippines will last and further develop in the future.”
Binanggit ni PM Kishida na ang relasyong Japan at Pilipinas ay umabot na sa lampas “golden,” ginunita kung paano minarkahan noong 2016 ang ika-60 anibersaryo ng normalisasyon ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, nang bumisita ang Emperador at Emperatris ng Japan sa Pilipinas.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ay bumisita sa Japan noong nakalipas na Pebrero ngayong taon.
Iniulat din ni PM Kishida na binigyan ng 12 barko ang Philippine Coast Guard upang makatulong sa pagpapabuti ng maritime security capability ng Pilipinas.
Binanggit din niya na pumayag ang Japan na bigyan ang Philippine Navy ng coastal surveillance radars, at iba pa.
Ang tulong ay bahagi ng “Free and Open Indo-Pacific Plan” (FOIP), na pinapalawak ang mga pagsisikap para sa seguridad at ligtas na paggamit ng dagat at himpapawid.
Binanggit din niya ang trilateral cooperation ng Japan, US, at Pilipinas upang mapangalagaan ang kalayaan sa karagatan. Lumahok din ang Japan Self-Defense Forces sa joint US-Philippines exercises na ginanap noong nakaraang buwan.
Sa kanyang talumpati na lubos na pinalakpakan, itinuring ni PM Kishida ang Pilipinas, na may ikalawang pinakamalaking populasyon sa mga bansa sa ASEAN at mahigit na 300,000 mamamayan na naninirahan sa Japan, bilang isang hindi mapapalitang partner ng Japan.
“I am honored to have the opportunity to be the first Japanese Prime Minister to speak here at the Congress of the Philippines, which has a long tradition,” aniya.
Bago ang adjournment ng Special Joint Session, ipinaabot ni Speaker Romualdez ang taos pusong pasasalamat ng mga miyermbro ng Kapulungan kay PM Kishida nang may paggalang at pag asa para sa magkasamang hinaharap ng Japan at Pilipinas.
“Today’s discourse fortifies the bridge between our great nations, Maraming Salamat at Mabuhay tayong lahat,” ani Speaker Romualdez.
Ipinaabot ni Senate President Zubiri ang lubos na pasasalamat ng mga senador kay PM Kishida sa biyaya nitong pagtanggap sa kanilang imbitasyon na magsalita sa isang Special Joint Session ng Kongreso.
“Illuminating the path towards an even more robust and dynamic relationship between our two nations, one that is grounded in the common pursuit of peace and progress within our countries and throughout the region. Long live Philippine-Japan Friendship and Partnership,” aniya.
Ang talumpati ni PM Kishida sa harap ng Kongreso sa isang Special Joint Session ay bahagi ng kanyang tatlong araw na state visit sa Pilipinas.