KINASUHAN na ng hepe ng Philippine National Police na si Gen. Benjamin Acorda, Jr. ang isang vlogger na itinuturo siya sa isang umano’y destabilization plot laban kay Pangulo Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Inihayag ni Acorda noong Lunes, Enero 8, na isinampa niya ang kaso laban kay Johnny Lacsamana Macanas, isang vlogger, na gumamit ng pangalan at mukha ni Acorda sa pagsasangguni na nag-withdraw siya ng suporta kay Marcos Jr. kasama si AFP chief Gen. Romeo Brawner.
“Masakit sa akin na may mga taong gusto lang maging sikat ang kanilang vlog at gagawa ng mga disinformation,” dagdag ni Acorda.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nagtungo si Acorda sa Prosecutor’s Office sa Quezon City ng 12:30 ng hapon upang maghain ng reklamo laban kay Macanas Sr.
Ang reklamo ay para sa paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o Unlawful Means of Publication, Republic Act No. 10951 kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Ang kaso na isinampa natin ay dahil sa pagpapakalat ng hindi totoong impormasyon na ang ating Chief PNP ay nag-withdraw na ng suporta sa ating Presidente at hinihikayat ang ating Presidente na mag-resign,” ani Fajardo sa isang pahayag.