Pulis, 3 kasabwat kinasuhan sa pagkawala ng beauty queen sa Batangas

KASONG kriminal ang kakaharapin ng police major  at tatlo pang kasabwat  na may kaugnayan sa pagkawala ng beauty queen noong October 12 sa Tuy, Batangas .

Kinumpirma ni Col.Jean Fajardo , chief ng Philippine National Police public information office na sinampahan na Criminal Investigation and Detection Group ( CIDG) 4-A  sa Batangas Prosecutor Office ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang mga persons of interest na sina Police Major Allan de Castro  na nakabase sa Batangas police provincial office, Jeffrey Magpantay at dalawang hindi pa nakikilalang kasabwat.

Nawala  si Catherine Camilon na kumatawan  ng Tuy, Batangas sa beauty pageant ng Miss Grand International 2023 noong October 12 , 2023 matapos hindi na nakauwi ng bahay matapos katagpuin ang isang kaibigan  sa bayan ng Bauan .

Makaraang ang ilang linggo ay dalawang  testigo ang lumutang sa pulisya at sinasabing  nakita nila si Camilon bitbit ng ilang kalalakihan na duguan ang katawan at inililipat mula sa Nissan Juke patungo sa isang pulang Honda CRV.

Natagpuan din ang abandonadong pulang CRV sa Sitio Ilaya Barangay Dumuclay , Batangas  City.

Agad na inalam ng pulisya ang nagmamay-ari nito sa tulong ng Land Transportation Office ngunit walang record ang nasabing nasangkot na sasakyan .

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Forensic unit sa nakuhang hibla ng buhok at dugo sa loob ng sasakyan.

Sinabi ni Fajardo “ The case was  officially referred to the prosecutor’s office for evaluation during preliminary investigation”.

Pinagbasehan ng isinampang kaso ay base sa imbestigasyon at pangangalap ng mga ebidensya ng mga otoridad .

Hinihintay pa ng PNP ang resulta ng forensic examination bago muling itaas o dagdagan pa ang kasong kakaharapin ng mga suspek .