DISMAYADO si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa pagbasura ng kasong grave threats na isinampa nito laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte, dahil di nito kinilala aniya ang takot na dinala nito sa kanya at sa kanyang pamilya.
Aniya, “Para na din nitong pinagkait ang katarungan sa akin”.
Ang pahayag na ito ay nagmula sa pagbasura ng piskalya ng Quezon City na reklamong grave threat na isinampa niya laban kay dating Pangulo Rodrigo Duterte noong Biyernes.
Sa isang 14-pahinang resolusyon, inirerekomenda ng Quezon City Office of the City Prosecutor (OCP) ang pagbasura ng reklamo “dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.”.
Noong Nobyembre 2023, inireklamo ni Castro si Duterte ng grave threat batay sa isang telebisyon na interbyu sa Sonshine Media Network International (SMNI) kung saan sinabi niyang: “Kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” at “Sabi ko sa kanya [kanyang anak, Bise Presidente Sara Duterte], magprangka ka na lang. Itong intelligence fund na ito gagamitin ko para sa utak ng mga Pilipino kasi ito ang target ko, kayong mga komunista andiyan sa Congress. Prangkahin mo na ‘yan si France Castro.”
Si Duterte ay nagbigay ng komento na ito bilang depensa sa P650 milyon na pondo ng confidential funds na para sa Office of the Vice President at P150 milyon sa Department of Education, parehong pinamumunuan ng kanyang anak na si Bise Presidente Sara Duterte, matapos ang desisyon ng House of Representatives na ilipat ang P1.23 bilyong confidential fund sa inihain na 2024 national budget.
Bagaman hindi siya personal na nagpakita sa opisina ng piskalya ng Quezon City, tinanggihan ni Duterte sa kanyang kontra-affidavit na nagkasala siya ng grave threat laban sa mambabatas.
Sa ngayon sabi ni Castro na “Hindi pa namin opisyal na natatanggap ang desisyon ng piskal. Kailangan pa naming mapag-aralan ang desisyon at makipagkonsultahan sa aking mga abugado para sa mga susunod naming mga hakbang”.