BINATIKOS ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang hindi awtorisadong presensya ng mga barko ng China na ngayon ay namataan sa silangang bahagi ng karagatan ng Pilipinas, hindi lamang sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, naghain ng resolusyon nitong Lunes si Tulfo, kasama ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na si Rep. Edvic Yap; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo, para hikayatin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) na magdagdag ng karagdagang tauhan at paigtingin ang pagpapatrulya at maritime surveillance sa eastern seabord ng bansa.
“Tila malaya na pong nakakapasok at tumambay ano mang oras ang mga barko ng China sa ating mga karagatan. Akalain niyo na dito naman sa silangang bahagi ng ating bansa ang puntirya ngayon ng China tulad ng Benham Rise at Catanduanes area,” ani Tulfo sa kanyang privilege speech nitong Lunes.
“Ito po ay hudyat na naghahanda na rin silang sakupin ang silangang bahagi ng Pilipinas tulad ng pananakop nila ng buong West Philippine Sea. We have to act now to prevent another Chinese aggression on our territory,” dagdag ni Tulfo.
Sa nabanggit na resolusyon, nabatid na ayon sa AFP, isang Chinese-flagged research vessel na nagngangalang Shen Kuo ay naunang namataan noong Abril 25, 2024, halos 60.9 nautical miles east ng Rapu-Rapu island, Albay.
Nitong Abril 30, ang naturang barko ay nagdala ng hindi matukoy na kagamitan halos 100 miles sa silangang bahagi ng Catanduanes.
“The foregoing acts raise suspicion and concern about the intentions and unknown activities of the said vessel within the eastern portion of the Philippine waters, yet the AFP’s unsuccessful attempts to contact the vessel through regular radio channels indicate the vessel’s lack of responsiveness or willingness to engage with the proper authorities,” anang resolution.
Ani Tulfo, ang kanilang resolusyon ay naglalayong maitaboy ang mga hindi awtorisadong Chinese vessel at hindi maulit ang kagaya sa ginawa ng China sa West Philippine Sea.
“If we continue to allow Chinese vessels in that part of our country, we might send the wrong signal to China that we really cannot protect our territory,” ani Tulfo.
“We must act now before the Chinese Coast Guard and Chinese militia take over our Exclusive Economic Zone in the Pacific Ocean,” dagdag pa ng mambabatas.