BUONG pagpapakumbabang ipinahatid ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes ang paghingi ng paumanhin kay Senate President Juan Miguel Zubiri at Sen. Ma. Lourdes “Nancy” Binay sa IV drip issue sa kanyang tanggapan noong nakaraang linggo.
Sa liham kay Zubiri at Binay nitong Lunes ng hapon, muling iginiit ni Padilla na labis niyang ikinabahala ang isyung kinabilangan ng kanyang maybahay na si Mariel Padilla.
“Kaugnay nito, nais ko pong ipahatid ang aking sinserong paghingi ng paumanhin kung ito ay nagdulot ng kagambalaan sa liderato ng Senado, sa ating mga iginagalang na kasamahan, at sa lahat ng bumubuo ng institusyon,” aniya sa liham kay Zubiri.
Sa kanyang liham kay Binay, iginiit niya na “kailanman ay hindi po namin sasadyain ang pagsasawalang-bahala sa dangal na sinisimbolo ng ating institusyon.”
“Makakaasa po kayo sa aming palagiang pagtalima sa mga alituntunin ng Mataas na Kapulungan,” dagdag niya sa liham kay Binay, na tagapangulo ng Senate Ethics and Privileges Committee.
Nagpadala na rin ng liham si Padilla kay Dr. Renato DG Sison, direktor ng Medical and Dental Bureau; at kay (Ret) Lt. Gen. Roberto T. Ancan, sergeant-at-arms ng Senado.
Nitong Linggo, humingi rin ng paumanhin si Gng. Padilla sa publiko at sa Senado sa nangyaring pag-IV drip sa tanggapan ni Sen. Padilla. Nilinaw din niya na Vitamin C at hindi glutathione ang drip niya.