NAKAPAGTALA si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng pinakamalaking pagtaas sa performance at trust rating batay sa survey ng OCTA Research.
Batay sa survey na isinagawa mula Setyembre 30 hanggang Oktobre 4, 2023, si Romualdez ay nakakuha ng 60 porsyentong trust rating, tumaas ng 6 porsyento kumpara sa 54 porsyento na nakuha nito sa survey noong Hulyo.
Si Romualdez ay nakakuha naman ng walong porsyentong distrust rating bumaba ng 4 porsyento kumpara sa 12 porsyento na naitala nito sa nakaraang survey.
Sa performance rating, ang Speaker ay nakapagtala naman ng 61 porsyento, mas mataas ng 6 porsyento kumpara sa 55 porsyento na nakuha nito sa nakaraang survey.
Bumaba naman ng 2 porsyento ang kanyang dissatisfaction rating na naging 9 porsyento mula sa 11 porsyento.
Sa kaparehong survey, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nakapagtala ng 73 porsyentong trust rating (mula sa 75 porsyento), samantalang si Vice President Sara Duterte ay 75 porsyento (mula sa 83 porsyento). Si Senate President Juan Miguel Zubiri ay 57 porsyento (tumaas mula 56 porsyento), at si Chief Justice Alexander Gesmundo ay 21 porsyento (mula sa 27 porsyento).
Ang satisfaction rating naman ng Pangulo ay 65 porsyento (mula sa 71 porsyento), samantalang si Duterte ay bumaba sa 70 porsyento (mula sa 82 porsyento). Si Zubiri ay tumaas ng isang porsyento at naging 58 porsyento samantalang si Gesmundo ay bumaba ng 8 porsyento mula sa 20 porsyento.
Ang survey, na may 1,200 respondents ay mayroong margin of error na 3 porsyento at confidence level na 95 porsyento.