ISANG resolusyon ang inilabas ng United Nations Assembly na kumondena sa pag-atake ng bansang Russia sa Ukraine ang kinatigan ng kamara matapos magpasya ang administrasyong Duterte.
Sinabi ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na tumatayo bilang chairman ng House committee on national defense and security, , angkop lang na makiisa ang Pilipinas sa isahang pagkilos ng mga kasaping bansa ng UN, lalo pa’t nagbabadya ang posibilidad ng pananakop ng bansang Tsina sa pagmamatigas nito sa teritoryo sa karagatang sakop at pasok ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Biazon, kakailanganin ng Pilipinas ang suporta ng UN sakaling malagay sa alanganin ang sitwasyon sa West Philippine Sea kung saan patuloy nakahimpil ang mga sasakyang dagat ng bansang Tsina.
“I support the statement issued by the Philippines on the matter of the Russian invasion of Ukraine, particularly its call for the cessation of hostilities and the preservation of civilians and civilian infrastructures, especially those that are part of Ukraine’s culture and heritage. They are, after all, not just for the Ukranians but for Humanity as well,” ayon sa pahayag na ipinamahagi ng tanggapan ni Biazon.
Ayon pa sa mambabatas, tama ang posisyon ng Pilipinas na panindigan ang kanilang pangako na ipaglaban ang soberenya ng isang bansa kalakip ang kalayaan mula sa mananakop at integridad ng nasasakupang teritoryo.
“We must remember that the Philippines may someday avail the support or assistance of the community of nations if we fall victim to territorial aggression by other countries,” dagdag pa ni Biazon patungkol sa suliranin ng Pilipinas sa karagatang inaangkin ng bansang Tsina sa kabila pa ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nagbabasura sa Nine-Dash-Line na giit ng Tsina sa buong South China Sea.