PORMAL nang idineklara ng 1st Infantry Battalion, 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, Philippine Army ang bayan ng Santa Maria, Laguna na mayroong Stable Internal Peace and Security (SIPS) ngayong Hulyo 31, Lunes.
Bahagi ng deklarasyon ng SIPS ang paglagda sa isang memorandum of agreement ng mga opisyal bilang pagsuporta sa mga adhikaing pang-kapayapaan ng pamahalaan at pagkontra sa mga idolohiya ng mga komunistang teroristang grupo.
Lumagda sa MOU sina Santa Maria Mayor Cindy Carolino, 2ID Commander MGEN Roberto Capulong, 202nd Infantry “Unifier” Brigade, Philippine Army Commander BGen Cerilo Balaoro Jr., 1st IB Commander LTC Danilo Escandor, mga opisyal ng national government agencies, pamahalaang lalawigan at ng pamahalaang bayan.
Para kay Mayor Cindy Carolino, mahalaga ang isinagawang deklarasyon ngayong araw upang maipagpatulot pa ang pag-unlad na natatamasa ng bayan at makapanghikayat ng mas maraming mamumuhunan at mga turista.PIA
Naniniwala naman si BGEN Balaoro Jr. na ang patuloy na pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan kagaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng NTF-ELCAC ay lubhang nakatulong upang mahikayat ang mga pwersa ng maka-kaliwang grupo na magbalik-loob sa pamahalaan.
Ang Santa Maria ang ikalawang bayan sa lalawigan na naisailalim sa SIPS, kasunod ng Kalayaan. Nauna nang ideklarang insurgency-free ang buong lalawigan ng Laguna noong 2019.