NAKABANTAY na ang buong pwersa ng Quezon City Law and Order Cluster sa mga sementeryo at kolumbaryo bilang paggunita sa Undas 2022.
Sa ulat ng Quezon City LGU, aabot sa 384 na kawani ng lokal na pamahalaan ang naka-deploy simula pa kahapon sa anim na sementeryo ng lungsod upang tiyakin ang seguridad ng mga bibisita sa puntod ng kanilang pumanaw na mahal sa buhay.
Dagdag pa riyan ang pwersa ng Quezon City Police District, Bureau of Fire Department, mga barangay tanod at ang mga elemento ng Task Force Disiplina.
Mayroon na ring nakaantabay na mga medical personnel at ambulansya sa mga sementeryo na nakahandang sumaklolo sa mga mangangailangan ng atensyong medikal.
Patuloy naman na magbabantay at magmomonitor ang lokal na pamahalaan sa mga sementeryo at kolumbaryo upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalaw sa paggunita ng Undas.
Samantala, muli at muli ang paalala ng Quezon City Health Department sa mga dadalaw sa sementeryo na panatilihin pa rin ang pagsusuot ng face mask at pahuhugas ng kamay gamit ang alcohol dahil na rin sa nananatili pa rin ang banta ng Covid-19 sa bansa pati na rin ang sama ng panahon na nagdudulot ng mga pag-ulan.